Sunod ka na McCullough!
Dating SMB import target i-naturalize ng SBP
MANILA, Philippines — Puntirya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na makuha rin bilang naturalized player si dating San Miguel Beer import Chris McCullough para sa mga susunod na international tournaments na lalahukan ng Gilas Pilipinas.
Ito ang isiniwalat ni SBP vice chairman at Antipolo first district congressman Robbie Puno kung saan nais nitong isunod si McCullough sa kanyang ihahain na naturalization bill.
Noong Lunes, nagsumite ng House Bill No. 5951 si Puno para maging Filipino citizen si 6-foot-10 Angelo Kouame ng Ateneo de Manila University.
Nangangalap lang umano si Puno ng mga dokumento para maipormalisa ang pagsusulong sa House Bill para naman kay McCullough.
“When I talked with SBP President Al Panlilio and MVP (Manny V. Pangilinan), they’ve wanted Ange Kouame to be naturalized first and then Chris McCullough probably will follow next or two weeks. I am just researching his background,” ani Puno.
Target ng SBP na magkaroon ng malalim na lineup ang Gilas Pilipinas para sa mga FIBA-related tournaments gaya ng 2023 FIBA World Cup na idaraos sa Pilipinas.
Magiging malaking tulong sina Kouame at McCullough upang palakasin ang Gilas Pilipinas.
Subalit isa lamang ang maaaring ipasok ng SBP sa lineup dahil isang naturalized player lamang ang pinahihintulutan ng FIBA na makalaro sa anumang FIBA-related events.
Maganda ang rekord ni McCullough sa PBA Commissioner’s Cup noong nakaraang taon.
Nagtala ito ng ave-rages na 36.0 points, 13.3 rebounds at 2.0 blocks para tulungan ang Beermen na makuha ang Commissioner’s Cup crown.
Matapos ang kumperensiya, nagpahayag si McCullough ng interes na maging naturalized player ng Pilipinas.
Kaya naman agad na kumilos si SBP president Al Panlilio para makausap si McCullough.
“We are trying to find a player who is uniquely qualified. Kouame is living here since 2016. He plays with Ateneo and living in a dormitory there. He already shown love to the country before his naturalization,” ani Puno.
Nauna nang naging naturalized players ng bansa sina Marcus Douthit at Andray Blatche na nakasama ng Gilas Pilipinas sa mga FIBA competitions.
- Latest