Heat napaso sa Spurs
SAN ANTONIO – Nagposte si big man LaMarcus Aldridge ng 21 points para tulungan ang Spurs sa 107-102 pagpapatumba sa Miami Heat sa gabing nagpakita ng magandang laro si guard Patty Mills.
Nagdagdag si DeMar DeRozan ng 20 points at may 18 markers si Mills para wakasan ng San Antonio ang kanilang two-game losing skid.
Naimintis ni Duncan Robinson ang kanyang tangka sa 3-point line sa huling 10.2 segundo kung saan sila naiwanan sa 102-105.
Nakahugot naman si Marco Belinelli ng foul at isinalpak ang dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Spurs.
Sa Denver, winakasan ni Domantas Sabonis at ng Indiana Pacers ang kanilang 10-game losing skid dito sa Pepsi Center at ilista ang sariling five-game winning streak.
Tumapos si Sabonis na may 22 points, 15 rebounds at 10 assists para sa una niyang triple-double habang humugot si Doug McDermott ng 18 sa kanyang 24 points sa fourth quarter para ihatid ang Pacers sa 115-107 panalo sa Nuggets.
Umiskor din sina Malcom Brogdon at T.J. Warren ng tig-22 points para sa Indiana na nalampasan ang 30-point performance ni Denver star Nikola Jokic.
Nag-ambag sina Jerami Grant at Will Barton ng tig-16 points para sa Denver, muling naglaro nang wala sina injured starters Paul Millsap, Gary Harris at Jamal Murray.
- Latest