Solong liderato pakay ng Lady Blazers
MANILA, Philippines — Pakay ng College of Saint Benilde na masolo ang liderato sa pagsagupa nito sa Colegio de San Juan de Letran sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Lady Blazers at Lady Knights sa alas-12 ng tanghali na susundan naman ng bakbakan ng Mapua University at Emilio Aguinaldo College sa alas-2 ng hapon.
Kasosyo ng Benilde ang nagdedepensang Arellano University sa tuktok ng standings hawak ang magkatulad na 2-0 marka.
Galing ang Lady Blazers sa pahirapang panalo laban sa Lyceum of the Philippines University, 23-25, 25-23, 23-25, 25-18, 15-7, noong Biyernes.
Nagpasiklab sina rookie players Gayle Pascual at Mycah Go matapos magtala ng tig-limang puntos sa huling sandali ng laro para dalhin ang Lady Blazers sa panalo.
Sa kabuuan, humataw si Pascual ng 18 puntos habang nagtala naman ng 17 hits at 17 excellent receptions si Go.
“Gagawin lang po namin yung best namin, gusto namin makatulong sa team kaya kung ano man ang maia-ambag namin, ibibigay namin,” ani Pascual na produkto ng University of Santo Tomas High School program.
Galing din ang Letran sa panalo matapos pasukuin ang Emilio Aguinaldo College sa pamamagitan ng 22-25, 25-10, 25-18, 25-13 desisyon.
Nanguna sa matinding puwersang inilatag ng Lady Knights si sophomore spiker Chamberlaine Cunada na bumanat ng 19 hits, tatlong blocks at dalawang aces para tulungan ang kanilang tropa na magkaroon ng engradeng simula sa liga.
Makakatuwang ni Cunada sa opensa sina Dane Ohya at Julienne Castro - ang dalawang rookies na nagparamdam din ng lakas sa kanilang unang laro.
Kumana si Ohya ng 15 puntos habang nagdagdag naman ng 11 markers si Castro.
- Latest