NCAA volley kinansela
MANILA, Philippines — Kinansela ng Management Committee ang mga laro sa NCAA Season 95 volleyball tournament kahapon dahil sa epektong dulot ng pagputok ng bulkang Taal.
Nagdesisyon ang NCAA ManComm na ipagpaliban ang mga laro upang matiyak ang kaligtasan hindi lamang ng mga atleta, coaches at opisyales maging ng mga manonood sa laban.
“Due to (the) cancellation of classes by some LGUs (local government units) including Manila, NCAA volleyball games for Monday, 13 January 2020 are cancelled,” ani NCAA management committee chairman Peter Cayco ng season host Arellano sa statement.
Nakatakda sanang magharap ang nagdedepensang Arellano University at Emilio Aguinaldo College at ang College of Saint Benilde at Mapua University sa women’s division kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hindi rin nilaro ang laban ng Chiefs at Generals at ng Blazers at Cardinals sa men’s division gayundin ang duwelo ng Braves at Brigadiers at ng Greenies at Red Robins sa juniors class.
Kung magiging maganda ang kundisyon ng panahon, magpapatuloy ang aksiyon ngayong araw sa parehong venue.
- Latest