Derrick Pumaren balik La Salle
MANILA, Philippines — Pormal nang inihayag ng De La Salle University na magbabalik sa kampo ng Green Archers si dating champion coach Derrick Pumaren para sa kampanya ng tropa sa UAAP at iba pang torneong lalahukan nito,
Sa inilabas na statement ng La Salle kahapon, muling binuksan ng unibersidad ang pintuan nito para kay Pumaren na makailang ulit ding binigyan ng kampeonato ang Green Archers.
Agad itong naging epektibo noong Enero 1, 2020.
“De La Salle University is pleased to announce that Frederick ‘Derrick’ Pumaren is the new head coach of the men’s basketball team effective January 1, 2020,” ayon sa statement ng La Salle.
Hinawakan na ni Pumaren ang Green Archers mula 1986 hanggang 1991 kung saan binigyan nito ng kauna-unahang korona ang La Salle noong 1989.
Naduplika ito ni Pumaren nang muling magkampeon ang Green Archers sa sumunod na taon.
Dati na ring nahawakan ng Pumaren brothers ang La Salle.
Naging head coach din ng Green Archers si Dindo Pumaren noong 2010 at 2011 habang si Franz Pumaren naman ang nagdala sa La Salle sa apat na sunod na kampeonato noong 1998 hanggang 2001 at isa pang korona noong 2007.
Huling naghari ang La Salle noong 2016 habang nagtapos lamang itong runner-up noong 2017.
Makakasama ni Derrick sa coaching staff sina Gian Nazario (deputy) at Jermaine Byrd (skills coach).
- Latest