Shanghai Grey dinomina ang PRC Chairman’s Cup
MANILA, Philippines — Wala nang nakapigil pa sa Shanghai Grey matapos humataw sa pagsisimula ng karera para banderahan ang 2019 Philippine Racing Commission Chairman’s Cup noong Linggo sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.
Sa likod ni star jockey Kelvin Abobo ay maagang kumawala ang Melanie Habla-owned Shanghai Grey sa gate para pamunuan ang 2,000-meter race sa naitalang four-length win sa bilis na 2:05 mula sa mga quartertimes of 24, 23, 24, 24 at 26 segundo.
“Kailangan lang namin i-conserve ang energy niya (Shanghai Grey), buti na lang hanggang ultimo kuarto may lakas pa,” wika ni Abobo sa three-year-old filly na itinakbo ang top prize na P1.2 milyon mula sa total pot na P2 milyon na inilatag ng Philracom.
Pumangalawa ang Real Gold, sinakyan ni JP A. Guce at pagmamay-ari ng C&H Enterprise, para sa runner-up purse na P450,000.
Tumapos sa ikatlo ang The Accountant (jockey RO Niu Jr., owner Luis Aguila) kasunod ang Weather Lang (JL Paano, Habla) para ibulsa ang premyong P250,000 at P100,000, ayon sa pagkakasunod, sa Chairman’s Cup na nagpaparangal taun-taon sa mga dating Philracom chiefs.
Ang honoree ngayong taon ay si dating Makati Mayor Nemesio I. Yabut na pinamahalaan ang racing body noong 1978 hanggang 1986.
Samantala, umarangkada naman ang Joyous Solution sa huling 150 metro para pangunahan ang labanan sa 3YO Imported/Local Challenge Series.
Hindi bumitaw ang Will To Win, ang stablemate ng Joyous Solution, sa halos kabuuan ng 2,000-meter race bago maabutan ng Magtotobetsky.
Nanggaling sa labas, kumawala ang Joyous Solution sa homestretch para kunin ang premyong P900,000 at ibigay kay owner Allan Keith.
Sumegunda ang Magtotobetsky nina multi-titled owner Leonardo Javier Jr. at jockey AM Villegas para sa second-place prize na P337,500.
Pumangtatlo ang Will To Win (jockey MA Alvarez, owner Wally Manalo) kasunod ang Queensboro (RO Niu Jr., Leonardo Javier Jr) para sa mga premyong P187,500 at P75,000, ayon sa pagkakasunod.
- Latest