Casimero-Inoue unification bout ikinakasa na
MANILA, Philippines — Gumugulong na ang negosasyon para maiselyo ang bakbakan nina World Boxing Organization (WBO) bantamweight titleholder Johnriel Casimero at Japanese International Boxing Federation at World Boxing Association (WBA) bantamweight champion Naoya Inoue.
Ayon kay Top Rank Promotions chief Bob Arum, inaasahang magkakasundo ang grupo nina Casimero at Inoue ngayong buwan para matuloy ang unification bout.
Mismong si Casimero ang nagpahayag na gusto nitong makaharap si Inoue na siyang tumalo kay Filipino-American Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa finals ng World Series of Boxing noong nakaraang taon.
Kabilang din si World Boxing Council bantamweight titlist Nordine Oubaali ng France sa mga nais sanang makalaban ni Inoue.
Subalit inutusan ng WBC si Oubaali na ipagtanggol ang kanyang titulo laban kay Donaire.
May ilang araw pa ang grupo nina Donaire at Oubaali para tumugon sa utos ng WBC dahil hanggang Enero 15 ang deadline na ibinigay ng world boxing body.
Kaya naman tanging si Casimero na lamang ang word titlist na maaaring makalaban ni Inoue.
Mainit ang rekord ni Casimero na galing sa limang sunud-sunod na knockout wins na nagsimula noong 2018 nang pataubin nito si Jose Pech ng Mexico via second-round knockout victory sa Tijuana, Mexico.
Engrandeng tinapos ni Casimero ang kampanya nito noong nakaraang taon matapos iselyo ang third round technical knockout win kay dating WBO champion Zolani Tete ng South Africa noong Nobyembre 30 sa London, England.
- Latest