Bolts kinuryente ang Texters
MANILA, Philippines — Halos hindi nakaupo si active consultant Mark Dickel sa kabuuan ng laro.
Ito ay dahil sa pagkakatambak ng kanyang TNT Katropa.
Bumalikwas ang Meralco Bolts mula sa naunang kabiguan para bigwasan ang Tropang Texters, 114-94, sa Game Two ng kanilang semifinals series para sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itinabla ng Meralco sa 1-1 ang kanilang best-of-five semifinals wars ng TNT Katropa tampok ang triple-double ni import Allen Durham.
Inangkin ng tropa ni Dickel ang Game One, 103-94, noong Linggo.
Binuksan ng Bolts ang bakbakan sa paglilista ng 21-5 abante bago ito ipadyak sa 21-point lead, 37-16, mula sa salaksak ni point guard Anjo Caram sa 10:45 minuto ng second period kung saan natanggal ang kanyang kanang sapatos.
Lalo pang naiwanan ang Tropang Texters sa 111-88 mula sa slam dunk ni Durham sa huling tatlong minuto ng final canto.
Tumapos si Durham na may 44 points, 19 rebounds at 11 assists.
Samantala, kung muli nilang mapoposasan si NorthPort import Michael Qualls ay malaki ang tsansa ng Barangay Ginebra na makuha ang 2-1 bentahe sa kanilang serye.
Umiskor lamang si Qualls sa 20 points matapos magtala ng average na 33.6 markers per game sa 113-88 panalao ng Gin Kings sa Batang Pier sa Game Two noong Lunes.
Puntirya ng Ginebra na makuha ang 2-1 abante sa pagsagupa sa NorthPort sa Game Three ngayong alas-7 ng gabi.
Nagsalpak ang Gin Kings ng 14 triples sa Game Two kung saan ang lima rito ay mula kay Stanley Pringle na tumapos na may 23 points, 5 assists, 3 rebounds at 3 steals.
“We shot the ball well, and we had a good game defensively,” wika ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone laban sa Batang Pier.
- Latest