Jokic, Grant humataw sa panalo ng Nuggets
DENVER -- Kumamada sina Nikola Jokic at Jerami Grant ng tig-20 points at nalampasan ng Nuggets ang career-high 33 markers ni Hassan Whiteside para talunin ang Portland Trail Blazers, 114-99.
Nagdagdag sina Gary Harris at Will Barton ng tig-15 points para sa Denver, tinapos ang kanilang three-game losing slide.
Pinalakpakan naman ng mga Nuggets fans si Carmelo Anthony na inilaro ang unang pito at kalahating taon ng kanyang career sa Denver sa pregame introductions.
Tumipa si Anthony ng 20 points sa panig ng Blazers habang may 15 markers si CJ McCollum.
Nailapit ni Damian Lillard ang Portland sa dulo ng third quarter bago humataw ng 10-0 atake ang Denver sa huling 2:33 minuto para itala ang 89-78 kalamangan patungo sa fourth period.
Ang triple ni Barton sa 9:43 minuto ng final canto ang nagbigay sa Nuggets ng 96-80 abante kung saan hindi na nakabangon ang Blazers.
Sa Mexico City, nagpasabog si guard Luka Doncic ng 41 points para iposte ang kanyang pang-walong triple-double sa season para banderahan ang 122-111 paggupo ng Dallas Mavericks kontra sa Detroit Pistons.
Nag-ambag si Seth Curry ng season-high 30 points para sa Mavericks sa opener ng NBA Mexico Games.
Tumapos si Doncic na may 12 rebounds at 11 assists para sa 17-7 record ng Dallas na pinakamaganda nilang simula matapos ang 24-game start noong 2014-15 season.
Umiskor naman si Kristaps Porzingis ng 20 points para sa Mavericks na tinalo ang Pistons sa rebounding department, 52-34.
Sa San Antonio, nagsalpak si Kevin Love ng panablang 3-pointer sa regulation at tumapos na may 30 points at 17 rebounds para tulungan ang Cleveland Cavaliers sa 117-109 overtime win laban sa Spurs.
- Latest