Pinoy skateboarding team may pinatunayan
MANILA, Philippines — Pinatunayan ng Pinoy skateboarding team na kaya nitong makapag-ambag ng gintong medalya para tulungan ang Team Philippines na makuha ang overall championship title sa katatapos na 2019 Southeast Asian Games.
Anim na ginto, apat na pilak at isang tansong medalya ang nasikwat ng tropa para ilampaso ang mga karibal nito sa skateboarding.
Bumandera sa ratsada ng Pinoy skateboarders si Asian Games champion Margielyn Didal na umani ng dalawang gintong medalya matapos pagreynahan ang Game of Skate at Street categories.
Sumuporta si Filipino-American Christiana Nicole Means na sumiguro naman ng dalawang pilak sa mga naturang events.
Ngunit bago matapos ang kumpetisyon, gumawa ng sariling pangalan si Means nang mangibabaw ito sa Park event para maningning na tapusin ang kanyang kampanya tangan ang isang ginto at dalawang pilak.
Nagpasiklab din ang Pinoy skateboarders sa men’s division.
Tatlong gintong medalya ang nasiguro ng tropa mula kina Jericho Francisco Jr. Daniel Ledermann at Jaime de Lange.
Hindi rin nagpahuli si Ledermann na nakaginto naman sa Game of Skate.
Ngunit hindi natatapos sa SEA Games ang laban ng Pinoy skateboarders.
May mas malaking misyon pa ito – ang 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan
- Latest