^

PSN Palaro

Naiwang anak inspirasyon ni Hallasgo sa pagkopo ng ginto

Russell Cadayona - Pilipino Star Ngayon
Naiwang anak inspirasyon ni Hallasgo sa pagkopo ng ginto

MANILA, Philippines — Sa kanyang pagtakbo sa women’s marathon ng katatapos na 30th Southeast Asian Games ay walang ibang nasa isip si Christine Hallasgo kundi ang kanyang naiwang anak.

Hindi rin niya inaasahang maitatakbo ang gintong medalya.

“Iniisip ko po talaga ang anak ko sa probinsya eh. First time ko pong mapalayo sa anak ko,” wika ng 27-anyos na si Hallasgo.

Kinoronahan ang tu­­bong Malaybalay, Bukidnon bilang bagong marathon queen ng SEA Games matapos magsumite ng bilis na dalawang oras, 56 minuto at 56 segundo para angkinin ang gold medal sa nasabing 42-kilometer event.

Tinanggalan niya ng titulo si 2017 champion Mary Joy Tabal, nagtala ng oras na 2:58:49 na mas mabagal ng 15 minuto sa kanyang personal best na 2:43:31, na nakuntento sa silver medal.

Si Pham Thi Hong Le (3:02.52) ang nagbulsa sa bronze medal.

“Tiniis ko po ‘yung pagod at pangungulila sa anak ko, kaya pinagsikapan ko po sana hindi masayang lahat ng pinaghirapan ko at mga sakripisyo ko po,” wika ni Hallasgo na napilitang iwanan ang kanyang anak sa probinsya para magsanay ng walong buwan bilang paghahanda sa una niyang pagtakbo sa SEA Games.

Sa dulo ng karera nang mapansing nanghihina na ang 30-anyos na si Tabal ay umeskapo na si Hallasgo patawid ng finish line sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.

“Hindi ko kasi in-expect na ako ang mananalo. Basta kinondisyon ko ang katawan ko para hindi ako maiwan,” wika ni Hallasgo.

Pinasalamatan din ni Hallasgo ang ibinigay na pagkakataon ng Milo kung saan siya nagreyna sa Metro Manila leg na na­ging basehan ng Philippine Amateur Track and Field Association para maging kinatawan siya ng bansa sa 2019 SEA Games.

Si Hallasgo, ang back-to-back champion sa Cagayan de Oro Milo Marathon noong 2014 at 2015, ay nasa pangangalaga ni two-time Olympian Eduardo Buenavista.

Walang dudang nakamit na ni Hallasgo ang bunga ng kanyang pagsisikap at sakripisyo.

Para may magamit sa pagsali sa mga karera ng Milo ay bumibili siya ng running shoes sa ukay-ukay.

“Kadalasan po talaga galing sa ukay-ukay ang isinusuot kong sapatos,” wika ng Bachelor of S­cience in Public Administration graduate sa Bukidnon State University.

“Kapag nananalo ako, saka lang ako nakakabili ng mga branded na sapatos,” dagdag pa ni Hallasgo na tatanggap ng cash incentive na P300,000 mula sa Philippine Sports Commission bukod pa ang mga pangakong P250,000 ni Pangulong Rodrigo Duterte at P300,000 kay Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino.

Tunay ngang isa itong maligayang Pasko para kay Hallasgo.

30TH SOUTHEAST ASIAN GAMES

CHRISTINE HALLASGO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with