Kawhi pasikat sa panalo ng Clippers vs Raptors
TORONTO -- Humataw si Kawhi Leonard ng 23 points sa kanyang pagbabalik sa Toronto at may 18 markers si Lou Williams sa 112-92 pagsapaw ng Los Angeles Clippers kontra sa Raptors.
Bago ang laro ay tinanggap ni Leonard ang kanyang championship ring mula sa 2018-19 season kung saan niya tinulungan ang Toronto sa pagsibak sa Golden State Warriors, 4-2, sa serye para sa kanilang kauna-unahang NBA title.
Nag-ambag si Maurice Harkless ng 14 points at may 13 markers si Paul George para sa ikatlong sunod na arangkada ng Clippers.
Pinamunuan ni Pascal Siakam ang Raptors mula sa kanyang 24 points habang may 22 at 13 markers sina Norman Powell at OG Anunoby, ayon sa pagkakasunod.
Sa Orlando, nagposte si LeBron James ng triple-double para sa 96-87 panalo ng Los Angeles Lakers laban sa Magic.
Kumolekta si James ng 25 points, 10 assists at 11 rebounds at naglista si Anthony Davis ng 16 points at 12 boards para sa ika-13 panalo ng Lakers sa huli nilang 14 laro.
Nag-ambag si Kentavious Caldwell-Pope ng 15 points para sa Los Angeles.
Binanderahan ni Jonathan Isaac ang Orlando mula sa kanyang 19 points kasunod ang 18 markers ni Evan Fournier.
Sa Cleveland, nagpasabog si James Harden ng 55 points, ang 20 ay iniskor niya sa fourth quarter habang may 23 markers si Russell Westbrook para sa 116-110 pananaig ng Houston Rockets laban sa Cavaliers.
Ito ang pang-walong sunod na kabiguan ng Cleveland at ika-14 sa huli nilang 15 laban.
- Latest