Pinoy pugs pokus na sa Tokyo Olympics
MANILA, Philippines — Matapos makopo ang overall title sa 2019 Southeast Asian Games, sunod na pagtutuunan ng pansin ng national boxing team ang pagsikwat ng tiket sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sasalang ang Pinoy boxers sa ilang qualifying tournaments sa susunod na taon sa pag-asang makahirit ng puwesto sa Tokyo Games.
“That’s our next target. Yung mag-qualify sa Tokyo Olympics. Mahirap pero lalaban kami,” ani Carlo Paalam na nagkampeon sa men’s light flyweight division.
Napasakamay ng Pinoy boxers ang overall title matapos sumuntok ng pitong ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya para lampasan ang dalawang ginto, isang pilak at dalawang tansong nakuha nito sa 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Pinakamaningning si Eumir Felix Marcial na nasungkit ang ikatlong sunod na gintong medalya sa men’s middleweight division na dominado nito sapul pa noong 2015 Singapore Games.
Isang solidong first-round knockout win ang naitarak ni Marcial kay Nguyen Manh Cuong ng Vietnam sa championship round para matagumpay na maipagtaggol ang kanyang titulo.
Maliban kina Paalam at Marcial, nakasiguro rin ng gintong medalya sina Olympian at 2018 Indonesia Asian Games silver medalist Rogen Ladon (men’s flyweight), 2014 Incheon Asian Games silver medalist Charly Suarez (men’s lightweight) at James Palicte (men’s light welterweight).
Hindi rin nagpakabog sina 2019 world champion Nesthy Petecio (women’s featherweight) at 2012 world champion Josie Gabuco (women’s light flyweight) na nagkampeon sa kani-kanyang dibisyon.
Galing naman ang pilak kina Marjon Pianar (men’s welterweight), Irish Magno (women’s flyweight) at Riza Pasuit (women’s lightweight) habang nakatanso sina Aira Villegas (women’s bantamweight) at Ian Clark Bautista (men’s bantamweight).
Pinakamasaklap ang nangyari kay 2017 SEAG Games gold medallist John Marvin na bigong makapasok sa medal round matapos matalo sa quarterfinals sa kaniyang dibisyon.
Nagkasya sa ikalawang puwesto ang Thailand na may limang ginto, dalawang pilak at dalawang tanso habang pumangatlo ang Vietnam na may isang ginto, limang pilak at dalawang tanso.
Sunod na isesentro ng Pinoy squad ang pagsabak sa qualifying tournaments para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
- Latest