Pilak sa Pinoy Spikers
MANILA, Philippines — Lumasap ang men’s volleyball team ng 21-25, 25-27, 17-25 desisyon sa Indonesia sa finals para magkasya sa pilak na medalya
sa 2019 Southeast Asian Games men’s volleyball tournament kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ang ikalawang silver medal ng Pilipinas sa men’s volleyball sa biennial meet.
Una nang pumangalawa ang Pinoy spikers noong 1977 matapos matalo sa Myanmar sa finals.
Kaakibat ang solidong suporta mula sa crowd, nagawang makipagsabayan ng host team sa buong panahon ng laban.
Subalit kinapos ang tropa sa bandang dulo ng bawat set laban sa mas beteranong Indonesians.
Hindi nasundan ng Pilipinas ang matikas na 17-25, 25-20, 23-25, 27-25, 17-15 panalo sa dethroned champion Thailand sa semifinals.
Nagtapos sa ikatlong puwesto ang Thailand na ibinuhos ang ngitngit sa Myanmar sa battle-for-bronze match, 25-23, 25-16, 25-20.
Sa kabuuan, umani ng isang pilak at dalawang tanso ang volleyball.
Nakatanso rin ang Pilipinas sa men’s beach volley at women’s beach volley.
Malaking bagay din ang pilak na medalya ng men’s team para sa volleyball community matapos mabigong makakuha ng medalya ang women’s indoor
volleyball team noong Lunes.
- Latest