Ancajas pinabagsak si Gonzalez sa 6 rnd, IBF title napanatili
MANILA, Philippines — Matagumpay na naidepensa ni Jerwin Ancajas ang International Boxing Federation (IBF) super flyweight belt matapos iselyo ang sixth-round knockout win laban kay Miguel Gonzalez ng Chile kahapon sa Puebla City, Mexico.
Ibinuhos ni Ancajas ang buong lakas nito kay Gonzalez matapos makansela ang kanyang laban kay Mexican Jonathan Javier Rodriguez noong Nobyembre 2 dahil sa problema sa visa.
Lutang na lutang sa laban ang bangis ni Ancajas na tila nakawalang leon mula sa ilang taong pagkakakulong.
Isang solidong hook shot ang pinakawalan ni Ancajas upang mapabagsak si Gonzalez, may 1:53 pang nalalabi sa ikaanim na kanto para tuluyang masungkit ang panalo.
Ito ang ikawalong sunod na pagdepensa ni Ancajas sa titulo para umangat sa 31-1-2 rekord tampok ang 21 knockouts.
Matitinding kumbinasyon ang agad na inilatag ni Ancajas sa umpisa pa lang ng laban.
Ngunit matibay ang Chilean pug na nakalusot sa unang limang rounds.
Subalit nang makakuha si Ancajas ng tiyempo, agad nitong pinulbos si Gonzalez na tinuldukan ng pamatay na hook shot tungo sa tagumpay.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumulong at sumuporta sa laban kong ito. Ang tagumpay na ito ay tagumpay nating lahat. Gusto kong ialay ang panalong ito sa lahat ng mga Pilipino na walang sawang sumusuporta sa laban ko,” ani Ancajas.
Wala pang malinaw na pangalan kung sino ang sunod na makakalaban ni Ancajas.
Nais muna nitong namnamin ang kanyang tagumpay at masayang magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa Pilipinas bago isentro ang kanyang susunod na hakbang.
Hindi naman pinalad si dating world champion Marlon Tapales na umani ng 11th-round knockout loss kay Ryosuke Iwasa ng Japan para sana sa IBF interim junior featherweight title kahapon din sa Brooklyn, New York.
- Latest