Casimero inagaw ang WBO Bantamweight crown kay Tete
MANILA, Philippines — Itinarak ni Johnriel Casimero ang impresibong third-round knockout win laban kay Zolani Tete upang matagumpay na maagaw ang World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown kahapon sa Arena Birmingham sa Biurmingham, United Kingdom.
Para kay Casimero, ang tagumpay ay produkto ng kanyang puspusang paghahanda sa laban na ilang buwan din nitong pinaghandaan para masiguro ang panalo.
“I worked very hard in Las Vegas for this fight. My opponents are very good, they are the favorites. All my opponents are good fighters, but me, I'm strong, man. I always beat them,” ani Casimero.
Mabagsik si Casimero. Hindi nito alintana ang kanyang disadvantage sa height kung saan mayroon lamang itong 5-foot-4 na taas kumpara sa 5-foot-9 ni Tete.
Inilabas ni Casimero ang mababangis at pamatay na kumbinasyon para matamis na angkinin ang panalo.
Isang solidong suntok sa third round ang pinakawalan ni Casimero na kumunekta sa ulo ng karibal na sinundan nito ng magkakasunod na straight para mabagsakin si Tete.
Nagawang makabangon ni Tete.
Subalit hindi na pinakawalan pa ni Casimero ang pagkakataon nang pulbusin pa nito si Tete na muling bumagsak at tuluyan nang itigil ng referee ang laban.
Agad namang hinamon ni Casimero si reigning World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight champion Naoya Inoue sa isang unification bout.
Nais ni Casimero na ipaghiganti si Nonito Donaire na magugunitang natalo kay Inoue sa finals ng World Boxing Super Series noong Nobyembre 7 sa Saitama, Japan.
“Come on Inoue, let's fight,” ani Casimero.
- Latest