Let the games begin!
MANILA, Philippines — Si lady triathlete Kim Mangrobang ang maaaring magbigay ng kauna-unahang gold medal ng Pi-lipinas habang inaasahan namang mananalo ang mga Pinoy sa gymnastics, cycling, arnis, weightlifting at sepak takraw sa magkakaibang venues ng 30th Southeast Asian Games ngayon.
Sasabak ang 28-anyos na si Mangrobang sa wo-men’s individual category ng triathlon sa Subic Bay Boardwalk.
Sinikwat si Mangrobang ang gintong medalya noong 2017 SEA Games na idinaos sa Kuala Lumpur Malaysia at makakatuwang para sa pagbulsa sa gold medal si Filipino-foreigner Kim Kilgroe habang kakampanya naman sina Rambo Chicano at Kim Remolino sa men’s individual event.
Babanderahan naman ni 2016 Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz ang kampanya ng mga national weightlifting sa event na gagawin sa Ninoy Aquino Stadium.
Unang sasalang sa Day One sina John Fabliar Ceniza (55-kg) at Mary Flor Diaz (45-kg), habang si Diaz (women’s 55-kg) ay bubuhat bukas.
Sa gymnastics sa Rizal Memorial Coliseum, papagitna si world champion Carlos Edriel Yulo sa all-around event ng men’s artistic gymnastics.
Ang pagwalis sa pitong gintong medalya ang target ni Yulo, ang men’s floor exercise gold medalist sa 2019 World Championships.
Samantala, walong ginto ang pag-aagawan sa arnis competition sa Angeles University Foundation sa Angeles City.
Mula 11 hanggang 12 gintong medalya ang medal prediction ni arnis chief backer Sen. Miguel Zubiri.
Sa cycling sa Laurel, Batangas ay sasabak sina Eleazar Barba at John Derrick Farr, habang papadyak sina Lea Denise Belgira at Naomi Gardoce sa men’s at women’s mountain bike downhill event, ayon sa pagkakasunod.
Sa lawn balls, pipilitin ng mga Pinoy na tapusin ang pamamahala ng nagdedepensang Malaysia sa event na gagawin sa Friendship Gate.
- Latest