Pagbabalik ni Walker mainit, Celtics pinigil ang Nets
BOSTON -- Nagbalik si star guard Kemba Walker mula sa isang neck injury para humataw ng season-high 39 points at tulungan ang Celtics na talunin ang Brooklyn Nets, 121-110, kung saan binuska ng mga Boston fans ang dati nilang point guard na si Kyrie Irving.
Tumipa si Walker ng 13 points sa third quarter kung saan itinala ng Celtics ang 91-83 kalamangan mula sa one-point lead.
Nagdagdag si Jaylen Brown ng 22 points at 10 rebounds habang may 16 markers at 9 boards si Jayson Tatum para sa 7-0 home record ng Boston sa season.
Pinamunuan naman ni Garrett Temple ang Nets mula sa kanyang 22 points at may 21 markers si Joe Harris.
Sa New Orleans, nagpasabog si Anthony Davis ng 41 points para pamunuan ang Los Ageles Lakers sa 114-110 pagdaig sa Pelicans.
Sinelyuhan ni Davis, dating kamador ng New Orleans, ang inbound pass ni Jrue Holiday sa huling limang segundo kasunod ang kanyang game-sealing free throws para sa pang-siyam na sunod na ratsada ng Los Angeles.
Nagdagdag si LeBron James ng 29 points at 11 assists para sa Lakers samantalang may 16 markers naman si Kyle Kuzma.
Tumapos naman si Holiday na may 29 points at 12 assists para banderahan ang Pelicans, nakahugot kay Brandon Ingram ng 23 points at 10 rebounds.
Sa Philadelphia, kumolekta si big man Joel Embiid ng 33 points at 16 rebounds para pangunahan ang 76ers sa 97-91 paggupo sa Sacramento Kings.
Umiskor si Buddy Hield ng 22 points kasunod ang 18 markers ni Dewayne Dedmon sa panig ng Kings.
- Latest