James binuhat ang Lakers; Burks bida naman sa Warriors
LOS ANGELES -- Hinirang si LeBron James bilang unang player sa NBA history na nagtala ng triple-double laban sa lahat ng koponan sa liga.
Nagposte si James ng 25 points, 11 rebounds at 10 assists para akayin ang Lakers sa 112-107 paggiba sa Oklahoma City Thunder.
Humataw naman si Anthony Davis ng 34 points para sa pang-limang sunod na ratsada ng Los Angeles na naipanalo ang 12 sa kanilang 13 laro.
Sa Memphis, nagtala si Alec Burks ng season-high 29 points habang may 20 markers si Glenn Robinson III para ihatid ang Golden State Warriors sa 114-95 panalo laban sa Grizzlies.
Tinapos ng Warriors ang kanilang seven-game losing slump.
Nagdagdag sina Marquese Chriss at Eric Paschall ng tig-17 points para sa Golden State.
Pinamunuan naman ni rookie Ja Morant ang Memphis mula sa kanyang 20 points kasunod ang 18, 17 at 15 markers nina Dillon Brooks, Brandon Clarke at Jae Crowder, ayon sa pagkakasunod.
Sa Sacramento, naglista si Bogdan Bogdanovic ng mga career highs na 31 points at pitong 3-pointers para sa 120-116 pananaig ng Kings kontra sa Phoenix Suns.
Nagdagdag si Richaun Holmes ng 20 points at 15 rebounds para sa Sacramento, naipanalo ang apat sa huling limang laban.
- Latest