Ang national Men’s Volleyball Team
Nagsimula na rin ang training camp ng Men’s Volleyball Team sa Sagamihara Tokyo, Japan at nagtungo sila roon noong nakaraang Linggo. Gaya namin, malamig din ang naging pagsalubong ng Japan sa kanila dahil sa malamig nitong klima. Siguradong doble rin ang effort na ipapamalas ng mens team sa bawat ensayo dahil magiging challenging ang pagpapapawis doon.
Kung sabik ang mga kababayan natin na mapanood ang women’s volleyball sa darating na SEA Games, sa tingin ko dapat na masabik din sa mens team dahil power house ang line-up nila ngayon. Nariyan ang most awarded MVP na si Marck Espejo, multi-awarded Bryan Baguna, team captain John Vic De Guzman at ang isa pa multi-awarded outside hitter na si Alnakran Abdilla. Mahahaluan din sila ng mga bagong manlalaro na siguradong makakatulong din upang sa taong ito ay makapag-podium finish din sila.
Nakakatuwa dahil noong tinanong ko si De Guzman kung kumusta ang kanilang mga naging unang araw doon, agad niyang ibinida ang progress ng kanilang mga laro. Bawat araw kasi ay mayroong ka-tune-up game ang mens team natin. Ganoon din naman ang pinagdaanan namin noong nadoon kami. Ngunit mas namangha ako dahil aniya, dalawang beses na silang natatalo sa dalawang club team na ka-tune-up nila ngunit wala silang sinasayang na oras dahil pagkauwing pagkauwi sa hotel, bagama’t malayo at dalawang oras ang biyahe ay pinanood muna nila ang video ng kanilang laro. Doon ay pinag-usapan ang mga naging problema kung bakit hindi sila nanalo, nagkaroon sila ng assessment sa fast plays na binitawan ng kalaban na kailangan din nila ma-adapt, pinag-isipan din nilang mabuti kung papaanong istratehiya ang gagawin upang ma-counter ang technique ng Japan.
Tulad namin, malaking pagsubok talaga na maging pulido ang kilos at laro gayung kaunti lang ang panahon na mayroon kami kumpara sa mga teams sa Southeast Asia na whole year round ang ensayo at exposure sa mga international competitions. Ngunit pare-parehas kaming susubok. Nagsisikap ang mens volleyball team ngayon sa Japan upang maiangat ang volleyball sa Pilipinas. Mabuhay sila! Mabuhay ang atletang Pilipino!
- Latest