Petron vs F2 Logistics sa PSL Invitational Conference Finale
MANILA,Philippines — Inilabas ng Petron ang bagsik nito nang mabilis na dispatsahin ang Foton, 25-17, 25-14, 25-16, upang umusad sa finals ng 2019 PSL Invitational Conference kahapon sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Muling naglatag ng halimaw na laro si reigning UAAP MVP Sisi Rondina nang umiskor ito ng 17 markers at 13 digs para pamunuan ang Blaze Spikers na makabalik sa finals matapos masibak sa semis sa All-Filipino Conference.
Nag-ambag naman si national team member Frances Molina ng 12 hits habang kumana si middle blocker Chloe Cortez ng 10 puntos para sa Petron na nananatiling walang talo sa pitong laro.
“It feels so good to be back in the Finals. We missed this feeling. We will grab this opportunity even we only have one day to prepare,” ani Petron head coach Shaq Delos Santos.
Nais ni Delos Santos na ibigay sa Petron ang korona ng Invitational Conference – ang tanging kumperensiya na hindi pa nahahawakan ng Blaze Spikers.
Bumanat ng husto ang Petron sa attacking department matapos pakawalan ang 42 kills – malayo sa 24 puntos na tanging nagawa ng Foton.
Makakasagupa ng Petron ang F2 Logistics sa one-game finals na lalaruin bukas alas-6 ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pumasok sa championship round ang Cargo Movers nang pataubin nito ang Cignal sa pamamagitan ng 22-25, 25-22, 25-21, 25-21 pahirapang desisyon.
- Latest