Baste, Mapua buhay pa ang tsansa sa semis
MANILA,Philippines — Buhay pa ang pag-asa ng San Sebastian Stags at Mapua Cardinals na makapasok sa Final Four matapos magwagi sa magkahiwalay na laro kahapon sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagtagumpay ang Cardinals kontra sa first round tormentor Perpetual Help Altas, 85-81 upang umangat sa 9-8 record habang muling pinayuko ng Stags ang Arellano Chiefs, 85-82 para manatili sa pang-apat na puwesto sa 10-7 win-loss kartada.
Dahil sa panalo ng San Sebastian natapos na rin ang pag-asa ng St. Benilde Blazers na pumasok sa semis dahil hindi na nila maabutan pa ang Stags kahit pa magtagumpay ang tropa ni coach TY Tang sa laro nila laban sa JRU Heavy Bombers.
Ang Blazers at Heavy Bombers ay naglalaro pa habang sinusulat ang istoryang ito.
Tanging ang Mapua na lamang ang puwede pang humabol sa San Sebastian kaya lang kailangan nilang magwagi kontra sa St. Benilde at ipagdasal na mabigo ang Stags laban sa Perpetual Help sa hu-ling araw ng elimination sa Biyernes.
Pero kung mananalo ang Stags sa Altas diretso na sila sa semis kahit pa magwagi rin ang Mapua sa Blazers dahil angat ang Recto-based cagers ng isa pa ring panalo.
Kung magtatagumpay ang Cardinals sa Blazers at mabibigo ang Stags sa mga kamay ng Altas, kapwa magso-sosyo sa No. 4 spot ang Cardinals at Stags sa parehong 10-8 card.
Sakaling mangyayari ang posibleng senaryo, maghaharap ang Stags at Cardinals sa playoff sa Martes upang pag-agawan ang huling semis slot.
“Ang mahirap kasi, with all the injuries I have, yung playoffs, medyo mahirap pa rin sa amin. I just hope mananalo kami sa Perpetual Help sa Biyernes so that we can go automatic sa Final Four,” pahayag ni SSC-R head coach Egay Macaraya.
- Latest