Makati lusot sa Valenzuela; Manila, Pasig nanalo rin
MANILA, Philippines — Pinataob ng Makati Super Crunch ang Valenzuela Classics, 78-61 habang naka-eskapo ang Manila Stars kontra sa Basilan Steel, 66-65 sa pagpapatuloy ng 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup noong Miyerkules ng gabi sa Valenzeula City Astrodome.
Lumamang pa ng mahigit 24 puntos ang Makati sa pangunguna ni Cedric Ablaza, Juneric Baloria at Jeckster Apinan tungo sa pagsungkit sa kanilang pang 12 panalo sa 15 laro at manatili sa ikatlong puwesto sa Northern Division sa likuran ng nangungunang San Juan Knights (15-1) at pumapangalawang Manila Stars (13-2).
Sa ikalawang laro, sumandal ang Manila Stars sa 15 puntos ni Carlo Lastimosa at sa 10 puntos at walong rebounds ni Aric Dionisio para makamit ang ika-13th panalo sa 15 laro.
Tumulong din ang da-ting Beermen na si Gabby Espinas ng 10 puntos, anim na rebounds, pitong assists at dalawang blocks para sa Manila Stars.
Hindi rin nagpahuli ang Pasig-Sta. Lucia Realty Pirates upang itala ang 64-63 panalo laban sa Bataan Risers sa iba pang laro.
Tumapos si Leo Najorda ng 20 puntos, apat na rebounds at dalawang steals upang iangat ang Realtors sa solo fourth spot sa kanilang 10-4 win-loss card sa Northern group.
- Latest