Princess Eowyn nagwagi sa Sampaguita Stakes Race
MANILA, Philippines — Unang tambalan pa lang ng Princess Eowyn at superstar jocket JB Guce ngunit para na silang beterano matapos magwagi sa 2019 PHILRACOM Sampaguita Stakes Race SA Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite nitong Linggo.
Matikas na nakihamok ang Princess Eowyn mula sa simula hanggang sa huling hatawan para gapiin ang anim na karibal at angkinin ang Sampaguita Stakes Race ng Philippine Racing Commission nitong Linggo sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.
Nakuha ng may-aring si Edong Diokno ang champion purse na P1,200,000.00
Kabuuang P2 milyon ang inilaang premyo ng Philracom sa Sampaguita Stakes Race, tinampukan ng pinakamatitikas na fillies sa bansa.
Nakuha ng Heiress of Hope ni Benhur Abalos III at jockey AR Villegas ang ikalawang puwesto at premyong P450,000, habang pangatlo ang Doktora ni JM Yulo at sakay si jockey CV Garganta (P100,000).
Ang Races 1, 2, 4 at 5 ay bahagi ng Manila Horsepower Special Race na isinagawa bilang paggunita sa namayapang Philracom Commissioner na si Wilfredo de Ungria, Jr.
Nagwagi ang Fire Bull sa Race 1, nanalo ang Facing Dixie sa Race 2, nakamit ng Hiconicus ang Race 4, habang tagumpay ang Fort McKinley sa Race 5.
Ang Philracom Charity Race para sa Sto. Niño de Malolos Foundation Inc. ay pinagbidahan ng Minalim.
Ang iba pang mga nagwagi ay ang Casino Royales (Race 7), Fire Dancer (Race 8), Goldsmith (Race 9), June Eleven (Race 10), Double Sunrise (Race 11) at Rhaegal (Race 12).
Ilan pang malalaking karera ang nakalinyang bitawan ng Philracom sa mga susunod na buwan, kabilang ang Juvenile Fillies and Colts Stakes Races sa Oktubre 6 at ang 3YO Imported/Local Challenge sa Oktubre 20 kasunod ang 2nd leg of the Juvenile Fillies and Colts Stakes Races sa Nobyembre 3, Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup sa Nobyembre17 at ang 2nd leg ng 3YO Imported/Local Challenge sa Nobyembre 24.
Hitik din ang aksyon sa Disyembre sa gaganaping 3rd leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Races, Grand Sprint Championship sa Disyembre 15, Chairman’s Cup at 3rd leg ng 3YO Imported/Local Challenge Series sa Disyembre 29 at Juvenile Championship sa Disyembre 31.
- Latest