Petron, Foton pupuwesto na sa semis
MANILA, Philippines — Target ng nagdedepensang Petron at Foton na hablutin ang unang dalawang silya sa semis sa pagharap sa kani-kanilang lower-ranked rivals sa paglarga ng quarterfinals ngayong araw sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Papalo ang top seed Petron laban sa wala pang panalong Marinerang Pilipina sa alas-7 ng gabi habang aariba naman ang third seed Foton kontra sa sixth seed PLDT Home Fibr sa alas-4:15 ng hapon.
Liyamado ang Blaze Spikers na nakasakay sa impresibong 13-1 rekord, malalim na karanasan at matikas na lineup laban sa bagitong tropa ng Lady Skippers.
Armado ang Petron ng tinaguriang SiPons na sina UAAP Season 81 MVP Sisi Rondina at Bernadeth Pons na siyang nagdala sa kanilang tropa sa nakalipas na mga laro.
Nariyan pa sina Ces Molina, Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas, Remy Palma, Rhea Dimaculangan at Denden Lazaro para magbigay ng solidong suporta.
Ngunit ayaw ni Petron coach Shaq Delos Santos magpakampante dahil nasa krusyal na estado na ang torneo.
“We can’t afford to be complacent because we’re already in the knockout stage. We have to prepare well against Marinerang Pilipina. Being on top is a huge opportunity. So we have to take care of it by keeping our focus and not letting any distraction get into the way,” ani Delos Santos.
Alam ni Delos Santos na gigil ang ang Marinerang Pilipina na makuha ang unang panalo sa pinaka-importanteng laban na haharapin nito.
Kaya naman ibubuhos na ng Lady Skippers ang lahat upang tapatan ang puwersang ilalabas ng Blaze Spikers.
Sa kabilang banda, mapapalaban ang Foton sa PLDT.
Galing ang Tornadoes sa 25-15, 29-27, 25-14 demolisyon sa Marinerang Pilipina noong Martes para tapusin ang classification round bitbit ang 8-6 marka.
- Latest