Victoria inakay ang Mapua sa unang panalo
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas si Mapua team captain Laurenz Victoria upang masungkit ang unang panalo matapos sa 0-5 umpisa sa Season 95 NCAA basketball tournament.
Humataw si Victoria ng season-high 29 puntos para itakas ang Cardinals sa 73-64 panalo kontra sa Arellano Chiefs noong Sabado na ginanap sa Cuneta Astrodome sa unang pagkakataon pagkaraan ng mahigit 11 taon.
Dahil sa kanyang pagsisikap, napili ang 6’0 guard na si Victoria bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps “Player of the Week.”
“Masaya kasi, siyempre, saan pa ba ako pupunta. Naka-focus lang talaga kaming makuha yung unang panalo at tinatrabaho ng lahat ng players,” sabi ni Mapua head coach Randy Alcantara.
Sa kanyang kabayanihan, umangat ang Cardinals sa three-way tie mula 8th hanggang 10th spot kasama ang kanilang biktimang Arellano at Emilio Aguinaldo Generals sa parehong 1-5 win-loss kartada.
“Mahirap kasi talagang kada talo namin, bumababa ang morale namin kaya ginawa na namin lahat para makuha ang unang panalo,” pahayag ni Mapua Victoria na tumapos din ng walong rebounds, tatlong assists at isang steal.
“Kailangan kasi maging aggressive, ito yung chance namin na makuha yung unang panalo. Jumpball pa lang, pagkuha ko pa lang ng bola, inatake ko na talaga. Wala na akong pakialam basta manalo kami,” dagdag ni Victoria na naungusan sina Mike Nzeusseu ng Lyceum at Evan Nelle ng San Beda para sa lingguhang parangal.
- Latest