Navotas tambak sa Davao
Laro Bukas(Pasig Sports Center)
6:30 p.m. Pasig vs Parañaque
MANILA, Philippines — Tinambakan ng Davao Occidental Tigers ang Navotas Clutch, 94-74 upang manatili sa solo liderato sa Southern Division ng 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakandula Cup noong Miyerkules ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Umani ng 14 puntos, limang rebounds, dalawang assists at isang steal si Billy Robles upang masungkit ng Tigers ang pang-pitong panalo at manatili sa solo top spot sa 7-1 win-loss kartada, mahigit isang laro ang agwat mula sa pumapangalawang Bacoor Strikers (7-2).
Bukod kay Robles, tumipa rin ng 13 puntos, apat na rebounds at isang steal si Chester Saldua at 11 puntos na may kasamang pitong rebounds para sa kanilang pang-limang sunod panalo.
Ang Navotas naman ay nalaglag sa 2-3 slate.
Samantala, nakopo ng Bulacan Kuyas ang kanilang unang back-to-back panalo matapos ilampaso ang Valenzuela Classics, 97-79 upang umangat sa 5-4 record sa Northern group.
Sa iba pang laro, nagwagi rin ang Zamboanga Sardine kontra sa Soccsksargen Marlins, 100-75 para makuha ang pang-limang panalo sa siyam na laro (5-4).
- Latest