SMB dumikit sa finals
MANILA, Philippines — Dumikit ang San Miguel Beer sa finals berth matapos kubrahin ang 117-105 panalo laban sa Rain or Shine sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals series kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa ng ingay si Chris Ross na humataw ng 34 puntos at walong assists habang solido ang suporta ni import Chris McCullough matapos umiskor ng 25 puntos, 11 rebounds at anim na assists para sa Beermen.
Naramdaman din si Alex Cabagnot na bumanat ng 17 markers gayundin sina Christian Standhardinger (15 points), June Mar Fajardo (14) at Terrence Romeo (12) na may kani-kanilang double digit outputs.
Nanguna para sa Elasto Painters si Carl Montgomery na may 24 puntos at 16 boards.
Kumakatok na ang Beermen sa pintuan ng finals nang kunin nito ang 2-0 bentahe sa serye. Nakuha rin ng Beermen ang 111-105 panalo sa Game 1 noong Sabado.
Susubukan ng SMB na hablutin ang puwesto sa finals sa paglarga ng Game 3 bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Samantala, masungkit ang unang tiket sa finals ang tatangkain ng Talk ‘N Text sa pagsagupa nito sa reigning champion Barangay Ginebra sa Game 3 ng PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals ngayong gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hangad ng Katropa na hubaran ng korona ang Gin Kings sa kanilang pagtatagpo sa alas-7.
Nakapitan ng TNT ang 2-0 bentahe sa serye matapos kubrahin ang 95-92 panalo sa Game 1 at 88-71 pananaig sa Game 2.
Ngunit wala pa sa isip ni Katropa head coach Bong Ravena na magdiwang dahil itinuturing nitong suwerte lamang ang kanilang pagkakapanalo sa Game 2.
“There’s nothing to celebrate. We were just lucky that they had a bad game and they couldn’t hit their shots. Against the wall, Ginebra will come out strong so we have to prepare for it,” ani Ravena.
- Latest