^

PSN Palaro

Hallasgo, Nerza napagtagumpayan ang pagsubok

Russell Cadayona - Pilipino Star Ngayon
Hallasgo, Nerza napagtagumpayan ang pagsubok
Anthony Nerza at Christine Hallasgo.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Kagaya ng mga ordinaryong tao, may mga bagay ding kailangang malampasan sina Christine Hallasgo at Anthony Nerza para magtagumpay.

Bagama't walang GPS (Global Positioning System) ang kanyang suot na relo ay nanguna pa rin si Hallasgo sa kanyang kategorya habang tatlong linggo lamang naghanda si Nerza para maghari sa tinakbuhang dibisyon.

Pinangunahan nina Hallasgo at Nerza ang women's at men's 42-kilometer race ng Metro Manila Leg ng 2019 National Milo Marathon kahapon sa Mall of Asia Grounds sa Pasay City.

“Wala akong GPS, kaya hindi ko talaga alam kung nasa anong distansya pa ako ng karera,” sabi ng 26-anyos na si Hallasgo, nagreyna rin sa Metro Manila Leg noong nakaraang taon, sa pagsusumite niya ng bilis na tatlong oras, anim na minuto at 28 segundo sa women's division.

“Nagpursige na lang din talaga ako kahit wala rin akong masyadong training dahil busy sa pamilya,” dagdag pa ng tubong Malaybalay, Bukidnon, may 3-anyos na anak na babae, matapos talunin sina April Rose Diaz (3:15:05) at Maricar Camacho (3:26:03).

Nagrehistro naman ang 29-anyos na si Nerza ng tiyempong 2:32:50 para manguna sa men's category sa unang pagkakataon kasunod sina Richeel Languido (2:2:36:43) at Jeson Agravante (2:38:43).

Si Agravante ang nagkampeon noong 2018 Metro Manila Leg.

“Hindi ko ine-expect na mananalo ako kasi three weeks lang ako nakapag-training dahil nagdu-duty ako sa Philippine Air Force,” wika ng Airman 2nd Class na tubong Davao City. “Sumakit din 'yung mga paa ko, pero tiniis ko na lang para makaabot sa finish line.”

Ibinulsa nina Hallasgo at Nerza ang premyong P50,000 sa karerang may temang ‘One Team, One Nation, Go Philippines!’.

Tinalo nina Hallasgo at Nerza ang kabuuang 1,960 runners na sumabak sa 42K.

“Ilalagay ko sa banko 'yung premyo ko, tapos 'yung iba para sa training ko sa National Finals,” dagdag ni Hallasgo sa Milo National Finals na gagawin sa Tarlac City sa Enero ng 2020.

Ang labanan sa 5K ang may pinakamara­ming lumahok sa bilang na 16,800 kasunod ang 3K (4,826), 10K (3,133) at 21K (1,838). Nagwagi sa 21K sina Nhea Ann Barcena (1:34:52) at Richard Salano (1:11:29), nanguna sa 10K sina Joida Gagnao (0:41:50) at Jackson Chirchir (0:33:35), wagi sa 5K sina Joneza Mic Sustituedo (0:19:52) at Vincent Vianmar Dela Cruz (0:15:33) at nagkampeon sa 3K sina Aubrey Tom (0:12:09) at Mark Ezekiel Belista (0:10:00).

ANTHONY NERZA

CHRISTINE HALLASGO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with