POC election committee malalaman
MANILA, Philippines — Magtatagpo ang mga regular members ng Philippine Olympic Committee sa Extraordinary General Assembly ngayon upang pagtibayin ang pagbuo ng election committee sa Manila Golf Clubhouse sa Makati City.
Sinabi ni POC acting president Joey Romasanta na mag-umpisa ang EGA sa alas-11 ng umaga na dadaluhan ng mahigit 45 miyembro na mayroong voting power kabilang na ang dalawa mula sa Athletes Commission at si International Olympic Committee (IOC) Representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski.
Ayon kay Romasanta ang nasabing EGA ay alinsunod sa direktiba ng IOC at Olympic Council of Asia (OCA) noong Hulyo 2.
Itinalaga nina IOC Director for Olympic Solidarity at National Olympic Committee Relations James Macleod at OCA Director General Hussain Al-Mussalam si IOC member Nrinder Dhruv Batra ng India bilang observer sa nasabing EGA.
Inaasahang pagtitibayin sa EGA ang mga resolusyon na inaprubahan ng POC Executive Board noong Hulyo 8 kabilang na ang pagtatalaga kina dating Comelec Commissioner Rene Sarmiento at Fr. Vic Calvo ng Letran na bubuo sa election committee kasama ang isa pang nominee mula sa Dispute at Resolution Committee ng POC.
Ang special election para sa bakanteng posisyon sa president, chairman at dalawang silya sa executive board ay nakatakdang ganapin sa Hulyo 28 alinsunod din sa direktiba ng IOC at OCA.
Malalaman din kung sinu-sino ang mga tatakbo sa mga bakanteng posisyon sa POC.
Nauna nang kinumpirma ni dating POC chairman at Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ng cycling ang kandidatura niya sa presidency bukod pa kay PATAFA chief Philip Ella Juico.
- Latest