Petrogazz Kampeon
MANILA, Philippines — Hinubaran ng korona ng PetroGazz ang Creamline sa pamamagitan ng impresibong 25-15, 28-30, 25-23, 25-19 panalo upang hablutin ang kampeonato sa 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Muling humugot ng lakas ang Gazz Angels mula kina Cuban Wilma Salas at American Janisa Johnson para tapusin ang best-of-three championship series hawak ang 2-1 baraha.
Nakuha ng Cool Smashers ang Game 1 (24-26, 25-16, 25-16, 25-22) noong Miyerkules habang wagi naman ang Gazz Angels sa Game 2 (15-25, 25-22, 25-22, 25-12) noong Sabado.
Bumanat ang Best Foreign Guest Player awardee na si Salas ng 30 puntos mula sa 26 attacks at apat na blocks habang naglagak naman si Johnson ng 22 puntos kabilang ang game-winning down-the-line hit.
Malaki rin ang tulong nina middle blockers Jeanette Panaga at Cherry Rose Nunag na makailang ulit nagtala ng krusyal na blocks samantalang basang-basa ni libero Cienne Cruz ang atake ng karibal para makakuha ng malalaking digs.
Ito ang unang korona ng PetroGazz sapul nang sumabak ito sa liga noong nakaraang taon.
Nagkasya lamang sa fifth place ang Gazz Angels sa 2018 Reinforced Conference habang naka-fourth place ito sa 2018 Open Conference.
Sa kabilang banda, kumana si Season MVP at Second Best Outside Hitter Alyssa Valdez ng 22 puntos samantalang nagdagdag si Kuttika Kaewpin ng 16 markers para sa Cool Smashers.
Subalit hindi ito sapat para tulungan ang kanilang koponan na makuha ang Grand Slam matapos magkampeon sa Open Conference at Reinforced Conference noong nakaraang taon.
Itinanghal na Finals MVP si Johnson.
Sa unang laro, pinasuko ng Pacific Town-Army ang BanKo Perlas sa pamamagitan ng 18-25, 25-16, 20-25, 25-15, 15-13 come-from-behind win upang masungkit ang third-place trophy.
Ibinuhos na ni Olena Lymareva-Flink ang naitatago nitong lakas matapos magrehistro ng 29 kills, dalawang aces, isang block at 12 excellent receptions habang nagsumite si American import Jenelle Jordan ng 19 points.
- Latest