Creamline amoy na ang finals
Pinasuko ang Army
MANILA, Philippines — Napasuko ng Creamline ang Pacific Town-Army sa pamamagitan ng 26-24, 25-21, 23-25, 25-20 desisyon para makalapit sa finals berth ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulong sina Thai wing spiker Kuttika Kaewpin at Venezuelan middle blocker Aleoscar Blanco upang manduhan ang Cool Smashers sa pagmartsa sa 1-0 kalamangan sa best-of-three semifinals series.
Umariba si Kaewpin na nagtala ng 21 puntos-- lahat galing sa attacks habang naglatag naman ng all-around game si Blanco na nagsumite ng 12 attacks kabilang ang game-winning hit kalakip ang apat na blocks at tatlong aces.
Malaki rin ang kontribusyon ni MVP candidate Alyssa Valdez na nagtala ng 12 markers gayundin nina middle hitter Risa Sato, Michele Gumabao, Kyle Negrito at Jema Galanza na may pinagsama-samang 17 hits.
Nagsumite naman si playmaker Jia Morado ng 20 excellent sets.
“Semis na, we know na hindi naman ibibigay ng Army yan basta sa amin. Hindi kami pwedeng kumurap lalo na kapag ang kalaban yung mga veteran teams like Army kasi very smart, intelligent sila kung paano sila maglalaro. They played well in this game,” ani Valdez.
Matapos ang magandang simula sa first at second sets, hirap na maka-receive ng bola ang Cool Smashers sa third set dahilan para maka-arangkada ng husto ang Lady Troopers sa 19-11 kalamangan.
Subalit naitabla ito ng Cool Smashers sa 22-all sa likod nina Blanco, Kaewpin at Valdez bago umatake si Olena Lymareva-Flink sa huling bahagi para maipuwersa ang fourth set.
Ngunit iyon na lamang ang nakayanan ng Lady Troopers nang umariba ang Cool Smashers sa fourth frame para tuluyang angkinin ang panalo.
- Latest