Bulacan, Mindoro, Caloocan nanalasa
MANILA, Philippines — Nasungkit ng Bulacan Kuyas ang ikatlong panalo matapos padapain ang Basilan Steel, 65-55 sa pagpapatuloy ng 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakandula Cup noong Martes ng gabi sa Provincial Capitol Gymnasium sa Bulacan.
Nagtala si Gwyne Mattew Capacio ng 21 puntos, apat na rebounds, isang assist at dalawang steals para umangat ang Bulacan sa solo third spot sa 3-1 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang Makati Super Crunch at San Juan Knights na may parehong 2-0 slate sa Northern Division.
Tumulong din si Roldan Sara ng 17 puntos, limang rebounds, apat na assists at dalawang steals habang pitong puntos at limang rebounds naman mula kay Jovit de la Cruz upang ibaon ang Basilan Steel sa 2-1 record sa Southern Division.
Sa iba pang laro, umani si Almond Vosotros ng 31 puntos upang iangat ang Caloocan Supremos sa 83-74 panalo laban sa Zamboanga Valientes.
Bukod kay Vosotros, tumipak din si John Carlos Escalambre ng 12 puntos, siyam na rebounds, isang assist at dalawang blocks para pumasok ang Kuyas sa win-column pagkatapos ng apat na laro.
Umiskor din si Paul Joseph Sanga ng 10 puntos na may kasamang apat na rebounds at isang steal upang ihulog ang Zamboanga sa 1-2 card sa Southern Division.
Sa ikatlong laro, naka-eskapo ang baguhang Mindoro Tamaraws sa mga kamay ng Parañaque Patriots, 63-61 para sa 1-1 record at ibaon ang Patriots sa 1-2 slate.
- Latest