Lady Troopers sinelyuhan ang semis
MANILA, Philippines — Inilampaso ng Pacific Town-Army ang BanKo Perlas, 25-18, 25-14, 25-20 upang makuha ang third seed sa semis ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umarangkada ng husto si Ukrainian import Olena Lymareva-Flink matapos pakawalan ang 29 puntos galing sa 23 attacks at anim na aces para manduhan ang pagmartsa ng Lady Troopers sa semis.
Makulay na tinapos ng Pacific Town-Army ang eliminasyon taglay ang 5-5 baraha.
“Ito yung A-game namin. Sabi ko lang naman sa kanila na ma-execute lang namin yung first touches namin ng maayos like serve at receive, everything will follow. With the help of Olena and Jenelle (Jordan), it’s easy for us to win,” ani Lady Troopers head coach Kungfu Reyes.
Bumanat si American middle hitter Jenelle Jordan ng 11 puntos habang kumana si wing spiker Honey Royse Tubino ng pitong puntos.
Naramdaman din sina veteran hitters Jovelyn Gonzaga at Mary Jean Balse-Pabayo ng pinagsamang walong hits.
Nagpasabog ang Lady Troopers ng kaliwa’t kanang bomba para makalikom ng 42 spikes at 10 aces laban sa Perlas Spikers na bigong makaporma sa buong panahon ng laro.
Dahil sa kabiguan, bumagsak ang Perlas Spikers sa 4-6 marka para mahulog sa No. 4 spot.
Walang manlalaro ng BanKo Perlas ang nakakuha ng double figures kung saan nalimitahan sina Thai reinforcement Sutadta Chuewulim at Dzi Gervacio ng tig-walo habang tanging limang puntos lamang ang nagawa ni team captain Nicole Tiamzon - malayo sa kanyang average na 19 points.
Awtomatikong uusad sa semis ang Perlas Spikers kung matalo ang Motolite sa PetroGazz sa labang nakatakda sa Sabado ng gabi.
Kung manalo ang Motolite, makakaharap nito ang BanKo Perlas sa playoff para sa huling tiket sa Final Four.
Sa ikalawang laro, makulay na tinapos ng Creamline ang eliminasyon nang ipako nito ang 25-19, 25-15, 25-18 panalo laban sa BaliPure para sa 9-1 marka.
- Latest