Batangas City nais ma-sweep ang 2 laro sa Dubai
MANILA, Philippines — Nakasalalay sa balikat ng bagong head coach na si Goldwin Monteverde ang misyon ng Rajah Cup champion Batangas City-Tanduay Athletics sa 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakandula Cup.
Dahil nito, halos doble na ang ginagawang paghahanda ni Monteverde sa kanyang koponan para walisin ang kanilang nalalapit na dalawang laro na gaganapin sa Dubai, United Arab Emirates.
Makakaharap ng Athletics ang Datu Cup runner-up Davao Occidental Tigers sa Setyembre 27 at susundan ng laro nila laban sa Imus Bandera nina TV/Movie actor Gerald Anderson at Jayjay Helterbrand sa Setyembre 28 sa Coca-Cola Arena o sa Trade Centre bilang bahagi ng regular season ng Lakandula Cup.
Bagama’t kinapos sila sa nakalipas na Datu Cup, sa ngayon malaki ang tiwala ni Monteverde na masusungkit ang ikalawang titulo sa season na ito.
“As a team, our goal is to do our best to win one game at a time and eventually reach the championship. The upcoming games in Dubai is definitely one of the games we are looking forward to,” pahayag ni Monteverde, ang head coach ng Nazareth School-National University ng ito ay nagkampeon sa UAAP juniors basketball tournament.
Lalong lumakas ang tropa ni Monteverde sa pagpasok ni movie actor Derek Ramsay kaya sabi niya mas matibay ngayon ang kanilang opensa at depensa.
Sasandal din si Monteverde kina Lester Alvarez, Dennice Villamor, Jaymo Eguilos, Prince Rivero, Genmar Bragais, Moncrief Rogado, Mark Olayon, Arvin Tolentino, Adrian Santos, Jayson Grimaldo, Ralph Olivares, Earvin Mendoza, Dexter Mescallado at Nikki Perez.
- Latest