Boss Emong inangkin ang second leg ng Philracom Triple Crown series
MANILA, Philippines — Ipinakita ng Boss Emong kung sino ang tunay na hari matapos talunin ang paboritong Real Gold sa second leg ng Philippine Racing Commission 2019 Triple Crown series sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite noong Linggo.
Nasa likuran ng Best Regards ang Boss Emong nang gumawa ng hakbang sa huling 600 metro kasabay ang Jayz sa karera na nagtampok sa mga pinakamahuhusay na three-year-olds.
Tuluyan nang naagaw ng Boss Emong ang unahan kasunod ang Jayz bago akayin ni jockey Dan Camañero ang kabayo para idiskaril ang hangarin ng first-leg champion na Real Gold na makalapit sa Triple Crown.
“Sinunod ko lang po ang bilin nila boss, kung hindi kaya mauna, sunod, sunod lang kami. Pero noong last 600, kinuha ko na,” wika ni Camañero. “May bisyo talaga itong Boss Emong, humihinto kaya nakahabol ang iba pero itinodo ko na sa huli.”
Ang panalo ng Boss Emong ang nagbigay ng premyong P1.8 milyon kay horse owner Edward Vincent Diokno, personal na tinanggap ang champion's trophy mula kina Philracom Commissioners Aurelio De Leon at Victor Tantoco, Philippine Racing Club Inc. Manager Oyet Alcasid Jr. at PRCI Handicapper Tony Selda.
Sumegunda ang Real Gold para sa premyong P675,000 ni owner C&H Enterprises kasunod ang Jayz na pagmamay-ari ng SC Stockfarm na nagtakbo ng P375,000 sa nasabing 1,800-meter race.
- Latest