Rhodes inakay ang Beermen sa panalo
MANILA, Philippines — Itinagay ng San Miguel Beer ang 127-106 demolisyon laban sa Blackwater upang lagukin ang kanilang unang panalo sa PBA Season 44 Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Halimaw si Charles Rhodes nang magpasabog ito ng 32 puntos, 19 rebounds, anim na blocks at tatlong assists para pamunuan ang Beermen sa pagsampa sa win column tangan ang 1-2 baraha.
Nagbigay ng sapat na suporta si Marcio Lassiter na kumana ng 29 puntos, tatlong boards at dalawang assists gayundin si Alex Cabagnot na gumawa ng 19 markers, anim na assists at apat na steals.
Sumalo rin sa balanseng atake ng Beermen sina reigning MVP June Mar Fajardo na naglista ng 12 puntos at 11 boards, at Von Pessumal na nagdagdag ng 12 markers at limang rebounds.
Lumasap ang Elite ng ikalawang kabiguan para mahulog sa No. 3 bitbit ang 5-2 marka.
Naglista si rookie Bobby Ray Parks ng double-double na 23 points at 13 rebounds samantalang umiskor si Mike Digregorio ng 18 points at tatlong boards para sa Blackwater.
Samantala, target naman ng Talk ‘N Text na masungkit ang quarterfinal spot sa pagharap nito sa Meralco alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sariwa pa ang KaTropa sa 104-96 come-from-behind win laban sa Barangay Ginebra San Miguel para mapaangat nito ang rekord sa 5-1 marka.
Bida sa naturang laro si Terrence Jones na nagtala ng impresibong triple-double na 17 points, 14 rebounds at 16 assists kalakip ang anim na blocks.
Lalarga rin ang bakbakan ng Alaska (4-2) at Phoenix (1-3) sa alas-6:45 ng gabi.
Magbabalik na si Fuel Masters head coach Louie Alas na napatawan ng two-game suspension.
- Latest