4 teams unahang dumikit sa Finals
MANILA, Philippines — Aarangkada ngayong hapon ang best-of-three semifinals tampok ang apat na koponang mag-uunahang makalapit sa finals ng 2019 PBA D-League.
Unang maghaharap ang Centro Escolar University at St. Clare College Virtual Reality sa alas-2 habang aariba naman ang bakbakan ng Cignal-Ateneo de Manila University at Valencia City Bukidnon-San Sebastian College Recoletos sa alas-4 sa Paco Arena sa Manila.
Matayog ang lipad ng Blue Eagles na nakasakay sa seven-game winning streak kabilang ang 67-60 panalo laban sa Far Eastern University sa quarterfinals noong nakaraang linggo.
“Again, we’re using this as our preparations, but we’re happy to see that our players are running our system to a tee,” ani Blue Eagles deputy coach Sandy Arespacochaga.
Mangunguna sa ratsada ng Cignal-Ateneo si Ivorian big man Ange Kouame kasama sina Thirdy Ravena at Isaac Go.
Ngunit hindi rin naman papakabog ang Golden Harvest na may sariling six-game winning run.
Bumandera sina RK Ilagan at Allyn Bulanadi sa matikas na kamada ng Valencia-SSCR sa kanilang huling mga laro subalit hindi rin matatawaran ang kontribusyon nina JM Calma, Alex Desoyo at Emmanuel Bonleon.
Umaasa naman si CEU mentor Derrick Pumaren na madudugtungan ng kanyang tropa ang matikas na panalo sa quarterfinals sa kabila ng pagkawala ng ilang key players na iniimbestigahan dahil sa game-fixing issue.
Tinalo ng Scorpions ang Go for Gold-College of Saint Benilde sa quarters, 84-74.
- Latest