Real Gold dominado ang 1st leg ng Triple Crown
MANILA, Philippines — Inagaw ng Real Gold ang spotlight sa paboritong Obra Maestra matapos pagharian ang 1st leg ng Philippine Racing Commission Triple Crown Series noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Humataw ang Real Gold sa huling 400 metro para unahan ang mga kasabay ng Obra Maestra at kunin ang panalo sakay si jockey John Paul A. Guce.
Tinapos ng Real Gold ang nasabing 1,600-meter race sa pamamagitan ng eight-length win.
Ang mga may-ari ng Real Gold na C&H Enterprise C&N conglomerate na sina Butch Mamon, Robert Ramirez, Jing Javier at Joseph Dyhengco ay tumanggap ng premyong P1.8 milyon bukod pa ang dagdag na P100,000 para sa breeder na si Dyhengco.
“We are ecstatic,” ani Mamon sa awards rites na dinaluhan ni Philracom chairman Andrew A. Sanchez kasama sina Alfonso “Boy” Reyno Jr., ang chairman at CEO ng Manila Jockey Club at Captain Mohammed Al Hashmi, ang racing manager ng The Royal Horse Racing Club of Muscat, Sultanate of Oman.
Ang huling kabayong nagkampeon sa Triple Crown ay ang Sepfourteen ng SC Stockfarm noong 2017 matapos ang Kid Molave ni Emmanuel Santos noong 2014.
Pumangalawa sa Real Gold ang JAYZ ni jockey JA Guce at owner SC Stockfarm at ibinulsa ang P675,000 kasunod ang Toy for the Big Boy, sinakyan ni JB Cordova ni owner Alfredo Santos para sa premyong P375,000.
Pumang-apat naman ang Obra Maestra (Jockey JB Guce) ni owner Leonardo Javier Jr. at tumanggap ng P150,000.
Sa Philracom Hopeful Stakes na itinakbo rin sa 1,600 meters, nanguna ang Shanghai Noon ni jockey OP Cortez at owner Emmanuel A. Santos para kunin ang premyong P1 milyon bukod sa P30,000 para kay breeder Kerby Chua.
- Latest