Fernandez, Baldwin Collegiate Coaches of the Year
MANILA, Philippines — Kikilalanin sina Boyet Fernandez ng San Beda University at Tab Baldwin ng Ateneo de Manila University bilang Coaches of the Year sa gaganaping 2019 Chooks-to-Go Collegiate Awards sa Mayo 27 sa Amelie Hotel Manila sa Malate, Manila.
Tinulungan ni Fernandez ang Red Lions na makuha ang ika-11 kampeonato sa nakalipas na 13 taon upang umakyat sa 22 ang korona ng San Beda sa NCAA men’s basketball tournament.
Isang beses lang natalo ang San Beda sa Season 94 na tinuldukan nito ng 14-game winning streak kabilang ang matikas na pagwalis sa Lyceum of the Philippines sa best-of-three championship series.
Ito ang ikalimang Coach of the Year award ni Fernandez para pantayan si dating Ateneo Blue Eagles head coach Norman Black sa pinakamaraming bilang ng pagkilala.
Sa kabilang banda, tatanggapin naman ni Baldwin ang ikalawang Coach of the Year trophy.
Binuhat naman ni Baldwin ang Blue Eagles sa kampeonato sa UAAP Season 81 men's basketball tournament – ang ikalawang sunod at ika-10 kabuuan ng Ateneo sa liga.
Minanduhan din ni Baldwin ang Ateneo-Pilipinas sa fourth-place finish sa 2018 William Jones Cup na ginanap sa Taiwan. Ang Ateneo ang nag-iisang collegiate team sa torneo na sumabak laban sa national teams at clubs ng iba’t ibang bansa.
Bibigyang-pugay din ang UP Fighting Maroons na tinuldukan ang mahigit tatlong dekadang pagkauhaw ng tropa sa finals appearance.
Nagkasya lamang sa ikalawang puwesto ang Fighting Maroons matapos matalo sa Blue Eagles sa finals.
- Latest