ESPN5 inilunsad ang Ultimate Boxing Series
MANILA, Philippines — Inilunsad kahapon ng ESPN5 at Gerrypens Promotions ang bagong “Ultimate Boxing Series: Kamaong Pinoy” bilang boxing tournament program para sa pagdiskubre ng mga bagong talento sa professional boxing simula ngayong Hunyo.
Sinabi ni ESPN5 president Chot Reyes na sa isinagawa nilang qualifying competitions sa Luzon, Visayas at Mindanao, nakapili sila ng kabuuang 20 boxers mula sa iba’t ibang stables at promoters para magsanay at maglalaban-laban sa pag-iingat ni dating two-time world champion Gerry Peñalosa.
“Sa isinagawa naming try-outs, kailangang future champion ka para ka mapili. Quality at hindi quantity ang aming binabasehan,” sabi ni dating Gilas basketball team coach Reyes sa paglunsad sa bagong programa sa Midas Hotel sa Pasay City.
Sampung boksingero sa flyweight division at sampu rin sa bantamweight division ang napiling maghaharap at maglalaban live sa ESPN5 Studio sa Novaliches, Quezon City.
“We have chosen to limit the category to only flyweight and bantamweight divisions dahil ito ‘yung weight division na proven na nag-excell ang mga Filipino boxers sa world professional boxing campaign,” ayon naman kay Peñalosa.
Sa flyweight division (112-lbs), maghaharap sina Ronel Sumalpong ng Bebot Elorde boxing club at Ruben Dadivas ng MP Davao boxing club sa elimination round habang magtatagpo naman sina Joseph Bayubay ng Alchemist Multimedia, Calumpit, Bulacan at Christoval Furog ng Kaamino Stable, Valencia, Bukidnon.
Inaasahan din ang magandang laban sa pagitan nina Ian Refuela ng Phil-Australia Club ng Cebu City at Welben Montere ng Don Punch boxing ng Marikina City at sina April Jay Abne ng Wild boxing club, Lahug, Cebu laban kay Ronel de la Cruz ng Kaamino Stable, Bukidnon at sina Denmark Quibido ng ATA boxing club ng Tayug, Pangasinan kontra kay Rey Tagulaylay ng MP Davao City boxing team.
Tiyak din ang mainit na laban sa bantamweight (118-lbs) division sa pangunguna nina Leinard Sarcon ng MP Davao City club kontra kay Rimon Rama ng Phil-Australia, Mandaue City at nina Dave Barlas ng Bigwas Heneral boxing camp, General Santos City laban kay Alium Pelesio ng Luis Marty Elorde boxing club, Parañaque City.
- Latest