Lady Eagles, Tigresses pukpukan sa Game 1
MANILA, Philippines — Sisimulan ngayon ng top seed Ateneo Lady Eagles at second seed University of Santo Tomas Tigresses ang kanilang best-of-three Finals series ng Season 81 UAAP women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang sagupaan ng Lady Eagles at Tigresses sa alas-4 ng hapon matapos ang engkuwentro ng NU Bulldogs at FEU Tamaraws sa alas-12 ng tanghali sa Game 1 ng men’s division.
Matatandaang nangailangan ang Lady Eagles ng dalawang laro sa semifinals bago napatalsik ang FEU Lady Tamaraws noong Mayo 8 habang sa isang laro lamang nakuha agad ng Tigresses ang unang Finals berth laban sa three-peat champion De La Salle Lady Spikers noong Mayo 5.
Ang halos isang linggong pahinga ng Tigresses ay malaking bentahe sa kanilang unang pagtatagpo sa Finals ng UAAP, ayon kay Ateneo coach Oliver Almadro na sumali sa torneo noong 1978 lamang.
Hangad ng Lady Eagles ang ikatlong women’s title na huli nilang inangkin noong 2015 sa panahon ni Alyssa Valdez habang ang Tigresses ay target ang pang-17th na korona mula noong 2010 sa panahon naman ni Rhea Dimaculangan. Huli silang pumasok sa Finals noong 2011 ngunit nabigo sila sa La Salle..
Samantala, nakopo ni Sisi Rondina ng UST ang women’s MVP award habang nakuha rin ng kanyang teammate na si Eya Laure ang Rookie of the Year honor.
Bukod sa MVP, inangkin din ni Rondina ang Season Best Open Spiker at Best Scorer honor.
- Latest