San Miguel, Magnolia bakbakan sa Game 3
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
6:30 p.m. SMB vs Magnolia
MANILA, Philippines — Hindi man umiskor si five-time PBA MVP June Mar Fajardo ng malaki ay naging balanse naman ang produksyon ng San Miguel sa Game Two noong Biyernes.
Tumipa sina Fajardo at Alex Cabagnot ng tig-16 points habang may tig-15 markers sina Chris Ross at Marcio Lassiter kasunod ang tig-13 nina Arwind Santos, Terrence Romeo at Christian Standhardinger.
Sa kanilang 94-99 kabiguan sa Game One ay humakot ang 6-foot-10 na si Fajardo ng 35 points at 21 rebounds.
“We're able to set-up the plays and we're not concentrated solely on June Mar Fajardo,” sabi ni coach Leo Austria matapos ang 108-101 panalo ng Beermen sa Magnolia Hotshots para itabla sa 1-1 ang 2019 PBA Philippine Cup Finals.
Pupuntiryahin ng nagdedepensang San Miguel ang 2-1 abante sa kanilang best-of-seven championship series ng Magnolia sa Game Three ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa Game One ng kanilang titular showdown para sa All-Filipino Cup noong nakaraang taon ay kinuha rin ng Hotshots ang Game One bago inangkin ng Beermen ang sumunod na apat na laro para makamit ang kampeonato.
“Naging mataas ang percentage ng shooting nila,” wika ni Magnolia mentor Chito Victolero sa San Miguel.
Ang tinutukoy ni Victolero ay ang 35-for-82 fieldgoal shooting ng four-time champions at 12-of-42 clip sa three-point range.
Mula naman sa 18 turnovers ng Hotshots, nagkampeon noong 2018 PBA Governor's Cup, ay nakakolekta ang Beermen ng 21 points.
Muling aasahan ng San Miguel sina Fajardo, Santos, Cabagnot, Romeo, Ross, Lassiter at Standhardinger katapat sina Ian Sangalang, Paul Lee, Mark Barroca at Jio Jalalon.
- Latest