Batangas-EAC buhay pa
MANILA, Philippines — Buhay pa ang pag-asa ng Batangas-Emilio Aguinaldo College para sa playoff slot matapos payukuin ang Family Mart-Enderun, 91-90 kahapon sa 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao.
Naitarak ni Chris dela Peña ang game-winning layup may 13.8 segundo pang nalalabi kasunod ang pagsawata ng Generals sa tangka ng Enderun sa huling sandali ng laro upang makuha ang panalo.
Nakalikom si Dela Peña ng kabuuang 12 puntos at tatlong rebounds para tulungan ang Generals na magmartsa sa 2-5 baraha sa Aspirants Group.
“Last time, I told them that we should learn how to win. This game, the effort was there and I'm very proud of them na kahit paano yung instructions, nasunod naman,” ani Generals head coach Oliver Bunyi patungkol sa kanilang 122-119 double-overtime loss sa AMA Online Education noong nakaraang linggo.
Bumandera para sa Batangas-EAC si Earvin Mendoza na naglista ng 18 puntos, apat na rebounds at dalawang assists habang nagdagdag naman si Marwin Taywan ng 14 markers, limang assists at apat na boards.
Nanatili sa ilalim ng standings ang Family Mart-Enderun na lumasap ng ikaanim na sunod na talo para tuluyang masibak sa kontensiyon.
- Latest