3 boxers lusot sa quarters
MANILA, Philippines — Umabante si Filipino light flyweight Ramel Macado sa quarterfinals matapos talunin si Southeast Asian Games gold medalist Muhammad Fuad Bin Mohd Redzuan ng Malaysia, 5-0, sa 2019 Asian Boxing Championships sa Bangkok, Thailand.
Ganap na dinomina ng 23-anyos na tubong Koronadal City si Fuad para duplikahin ang nauna niyang 4-1 pagdaig kay Iranian Ahmadisafa Omid.
Lalabanan ni Macado sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan nina Temirtas Zhussupov ng Kazakhstan at Samak Saehan ng Thailand.
Nakapasok din sa quarterfinals si bantamweight Ian Clark Bautista mula sa kanyang 5-0 panalo kay Nguyen Van Gioi ng Vietnam.
Umiskor naman si Pinay flyweight Josie Gabuco ng walkover victory kay Tandin Lhamo ng Bhutan.
Sasagupain ni Gabuco sa quarterfinals ang mananalo kina Kazakh Alua Balkibekova at Korean Bak Chorong.
Minalas si lightweight Jeorge Eduma matapos makatikim ng 2-3 kabiguan kay Hursand Imankuliyev ng Turkmenistan.
- Latest