Lady Spikers swak sa Final 4
MANILA, Philippines — Muling pinadapa ng three-peat champion De La Salle Lady Spikers ang Ateneo Lady Eagles, 25-17, 25-13, 25-23 kahapon upang masungkit ang ikalawang Final Four berth sa Season 81 UAAP volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Ipinakita ng Lady Spikers ang matikas na laro upang walisin ang arch-rival na Lady Eagles na kanila ring ginapi sa four sets, 14-25, 17-25, 25-16, 22-25 sa first round ng elimination noong Pebrero 17.
Pinangunahan ni CJ Saga ang tropa ni coach Ramil de Jesus sa kanyang 21 excellent digs at 14 excellent receptions upang makopo ang pang-siyam na panalo ng Lady Spikers sa 12 na laro at pumasok sa semifinal round sa ika-11th sunod na beses.
Dahil sa talo, naputol rin ang 10-game winning streak ng Ateneo ngunit nananatiling buhay ang pag-asang makopo ang unang twice-to-beat advantage.
Susubukan muli ng Ateneo na angkinin ang unang semis bonus sa pagharap sa Adamson Lady Falcons sa Abril 24.
Sa kabila ng kabiguan, nananatili pa rin ang tropa ni coach Oliver Almadro sa top spot sa 10-2 win-loss kartada.
Sumunod ang La Salle na solidong hawak ang second spot sa 9-3 slate kasunod naman ang FEU Tamaraws at UST Tigresses na nagsosyo sa ikatlong puwesto sa parehong 8-4 record.
“We just played hard and kept our discipline. We played good today. Ang larong ito ay labanan ng pride kaya hindi talaga kami magpapatalo sa Ateneo,” sabi ni Saga patukoy sa kanilang rivalry sa Ateneo.
Sa iba pang laro, nangailangan lamang ang University of the East Lady Warriors ng 74 minuto upang muling pataubin ang Adamson Lady Falcons, 25-14, 25-19, 25-22 para umangat sa sosyohan sa pang-anim na puwesto kasama ang NU Lady Bulldogs sa parehong 3-9 record.
- Latest