Generika binuhay ang tsansa sa twice-to-beat
MANILA, Philippines — Nagbuhos ng matinding lakas ang Generika-Ayala sa huling sandali ng laro para payukuin ang Sta. Lucia Realty, 25-20, 25-20, 21-25, 25-18 kahapon sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Lifesavers para umangat sa 4-7 rekord at manatiling buhay ang tsansa sa twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Bumandera na naman para sa Generika-Ayala si power-hitting Thai import Kanjana Kuthaisong na umiskor ng 24 puntos tampok ang 23 attacks kabilang ang game-winning off-the-block hit.
Matikas din ang floor defense ni Kuthaisong na umani rin ng ilang digs at receptions.
Nakatuwang ni Kuthaisong sina team captain Angeli Araneta at wing spiker Fiola Ceballos para makuha ng Lifesavers ang importanteng panalo.
Nakakapit na sana sa Lifesavers ang momento sa third set nang kunin nito ang 10-8 bentahe.
Ilang errors ang nagawa ng Generika-Ayala na siya namang sinamantala ng Lady Realtors nang magbaon ng matatalim na attacks sina imports Casey Schoenlein at Molly Lohman kasama si local ace Pam Lastimosa para maagaw ang bentahe (24-20) at maipuwersa ang fourth set.
Subalit hindi na nagpabaya pa ang Lifesavers sa ikaapat na kanto nang pamunuan ni Kuthaisong ang mainit na ratsada na sinabayan ng ilang solidong blocks at aces mula kina Araneta at Ceballos para tuluyang tuldukan ang paghahabol ng Lady Realtors.
Kailangan ng Lifesa-vers na maipanalo ang kanilang susunod na tatlong laro upang makahirit ng twice-to-beat card sa quarterfinals.
Bumagsak ang Lady Realtors sa 2-9 marka.
- Latest