Spurs hiniya ang Warriors
SAN ANTONIO — Nagpaputok si DeMar DeRozan ng 26 points habang humakot si LaMarcus Aldridge ng 23 points at 13 rebounds para akayin ang Spurs sa 111-105 panalo laban sa Golden State Warriors.
Nag-ambag si Rudy Gay ng 17 points kasunod ang 12 markers ni Derrick White.
Ito ang pang-siyam na sunod na arangkada ng San Antonio at ika-11 sa kanilang tahanan para umupo sa No. 5 sa Western Conference.
Binanderahan naman ni Stephen Curry ang Golden State mula sa kanyang 25 points kasunod ang 24 markers ni Kevin Durant.
Nagmula ang Warriors sa two-game winning run at nakatabla ang Denver Nuggets sa first place sa West sa magkatulad nilang 47-22 record.
Sa Dallas, nilampasan ni Dirk Nowitzki si Wilt Chamberlain para sa sixth place sa NBA career scoring list, ngunit inilista naman ni Elfrid Payton ang kanyang pang-limang sunod na triple-double para tulungan ang New Orleans Pelicans na talunin ang Mavericks, 129-125 sa overtime.
Tumapos si Payton na may 19 points, 11 assists at 10 rebounds para sa New Orleans.
Naglista naman si Dallas rookie Luka Doncic ng triple-double sa kanyang 29 points, 13 boards at 10 assists.
Inungusan ni Nowitzki si Chamberlain (31,419 points) sa pamamagitan ng kanyang signature long-range jumpers sa 8:35 minuto ng first quarter.
Sa Phoenix, tumipa si Robin Lopez ng 24 points para akayin ang Chicago Bulls sa 116-101 paggupo sa Suns at tapusin ang kanilang five-game losing slump.
Nagdagdag si Zach LaVine ng 17 points, 8 rebounds at 7 assists para sa Chicago.
- Latest