San Sebastian, CEU dumiretso sa ika-3
MANILA, Philippines — Napaamo ng Valencia City Bukidnon-San Sebastian College ang SMDC-National University, 82-73 para mapatatag ang kapit sa liderato sa Foundation Group ng 2019 PBA D-League kahapon sa Paco Arena sa Manila.
Nakakuha ng lakas ang Golden Harvest kay RK Ilagan na nagbuhos ng 30 puntos tampok ang 21 sa second half para buhatin ang kanilang koponan sa ikatlong sunod na panalo.
“Wala ka nang mahihingi pa. Pagod na pagod na siya pero nandoon pa rin yung effort niya,” ani Golden Harvest head coach Egay Macaraya.
Balanse ang atakeng inilatag ng Valencia City Bukidnon-San Sebastian College dahil malaki rin ang naiambag ng iba pang manlalaro partikular na si Allyn Bulanadi na nagrehistro ng 14 markers, siyam na rebounds at apat na assists.
“Right now, everybody wants to win. I guess the character is already there,” ani pa ni Macaraya.
Mainit ang Golden Harvest nang kumana ito ng 15 three-pointers kung saan anim dito ay galing kay Ilagan.
Tanging limang tres lamang ang nagawa ng Bulldogs na patuloy na minamalas matapos mahulog sa 0-3 marka.
Bumida para sa SMDC-National University si Shaun Ildefonso nang itarak nito ang 21 puntos, anim na assists at apat na rebounds samantalang nagdagdag si John Lloyd Clemente ng double-double na 19 markers at 12 boards.
Sa ikalawang laro, sumalo sa liderato ang Centro Escolar University nang kubrahin nito ang 80-77 desisyon laban sa Metropac-San Beda University.
Sumulong sa 3-0 baraha ang CEU para sosyohan ang San Sebastian habang bagsak sa 2-1 ang San Beda.
- Latest