UP ‘di kinaya ang Ateneo
MANILA, Philippines — Ipinakita ng Ateneo Lady Eagles ang sobrang lakas para gapiin ang University of the Philippines Lady Maroons sa straight sets lamang, 25-21, 25-15, 28-26 at makuha ang solo liderato sa pagpapatuloy kahapon ng Season 81 UAAP Volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Matapos ang madaling panalo ng Lady Eagles sa ikalawang set na umabot lamang ng 27 minuto, 25-15, pinilit ng Lady Maroons na bumawi ngunit sa matikas na laro nina Maddie Madayag, Kat Tolentino at setter Deanna Wong hindi rin nagtagal ang laro at natapos sa mahigit 74 minuto.
Sa ika-apat na sunod panalo ng Lady Eagles, umangat ang tropa ni coach Oliver Almadro sa solo top spot sa 4-1 record habang ang Lady Maroons ay bumaba sa solo fifth spot sa 3-2 win-loss kartada sa likuran ng UST Tigresses, FEU Lady Tamaraws at DLSU Lady Spikers na nagsosyo sa ikalawang puwesto sa parehong 4-2 card.
Tumapos si Madayag ng 14 puntos kabilang na ang walong atake at anim na blocks habang si Tolentino ay umani ng 12 puntos mula sa 10 atake at 14 digs at sampung puntos din kay Ponggay Gaston at 10 excellent receptions para sa Ateneo.
Samantala, nagpakatatag ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa fifth set upang malusutan ang Adamson Lady Falcons sa five sets, 25-18, 17-25, 25-14, 22-25, 15-8 at masungkit ang ikatlong sunod na panalo.
Sa men’s division, napanatili ng FEU Tamaraws ang malinis na 6-0 kartada matapos ilampaso ang Adamson Soaring Falcons, 25-14, 25-23, 25-23 habang nagwagi rin ang Ateneo Blue Eagles sa four sets kontra sa UP Fighting Maroons, 25-18, 23-25, 25-22, 25-13 upang angkinin ang ikatlong panalo sa limang laro.
- Latest